NASAKOTE ang tatlo sa anim na mga holdaper na nanloob sa isang vape shop at tumangay sa mahigit P2.4 milyong halaga ng mga produkto at cash matapos masakote ng pulisya sa tulong ng Global Positioning System (GPS) tracker ng gamit nilang saksakyan sa Valenzuela City.
Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr ang mga naarestong suspek na sina alyas “Hermoso”, 37, ng Cupang, Antipolo City, “Gascon”, 38, ng 18th Avenue, East Rembo, Makati City at “Fresto”, 32, ng Villa Silva Palatiw, Pasig City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura na dakong ala-1:50 ng madaling araw nang pumasok ang isa sa mga suspek sa loob ng shop sa Del Rosario St., Brgy., Marulas at nagpanggap na kostumer saka tinutukan ng baril ang may-ari ng shop na si “Prince”, 26, at nobyang si “Czarhena”, 25, bago sumunod na pumasok ang iba pang mga suspek.
Sa pahayag sa pulisya ni Prince, kinuha ng mga suspek ang kanyang bag na may lamang P100,000 cash at bag ni Czarhena na may lamang P30,000 cash.
Kinuha din mga holdaper ang 8,000 pirasong mga disposable vape na nagkakahalaga ng P2 milyon, Apple iPhone 12 na nagkakahalaga ng P35,000, Samsung S21 na nagkakahalaga ng P25,000, Seiko Panda watch na may halagang P250,000 bago nagsitakas sakay ng isang puting Toyota Fortuner.
Kaagad namang bumuo ng team si Col. Destura sa pamumuno ni P/Maj Randy Llanderal, ACOPO, kasama sina P/Cpt. Robin Santos, Chief, SIDMS, P/Cpt. Ronald Sanchez, Chief, SIS, P/Lt. Armando Delima, Chief, SIU, at P/Lt Ronald Bautista, ng DMU para tugisin mga suspek.
Nang beripikahin ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO) ang gamit na sasakyan ng mga suspek ay napag-alaman na pag-aari ito ng isang “Vincent” ng Novaliches, Quezon City na inupahan umano ni Hermoso sa isang nagngangalang “Llamas”.
Sa pamamagitan ng GPS tracker na nakakabit sa nasabing sasakyan ay kaagad itong natagpuan ng pulisya dakong alas-3:30 ng hapon sa Harvard St., Cubao, Quezon City na minamaneho ni Hermoso kasama si Gascon na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Nadakip din si Fresto matapos inguso ng dalawang unang nahuli at nabawi sa kanya ang mga vape na nagkakahalaga ng P304, 800.
Ani Cpt. Santos, si Hermoso ay kabilang din sa tatlong nahuli na nanloob sa isang vape shop sa Sta. Ana Manila, apat na buwan na ang nakalilipas kung saan natangay ng mga suspek ang mga produkto ng vape na nagkakahalaga ng P1.8 milyon. Patuloy naman ang follow-up operation ng pulisya laban sa iba pang mga kawatan habang sa kasong robbery with violence and intimidation ang mga nadakip na suspek.
More Stories
SUV SA VIRAL VIDEO GUMAMIT NG PEKENG “7” PROTOCOL PLATE – TULFO
BAGYONG MARCE NAGBABANTA SA LUZON (Matapos ang hagupit nina Julian, Kristine at Leon)
PINOY PADDLERS DAPAT WALANG PUKNAT ANG PROGRAMA SA INTERNATONAL NA EKSENA – ESCOLLANTE