NADAGDAGAN ng 105 mga bagong kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Navotas kung saan tatlo dito ang namatay kahapon, Hulyo 28, habang 77 pasyente naman ang gumaling, ayon kay Mayor Toby Tiangco.
Sa kabuuan ay 1,623 na ang kumpirmadong kaso ng nasabing sakit sa lungsod, 750 dito ang active cases, 783 ang gumaling na at 90 naman ang sumakabilang-buhay.
Hanggang Hulyo 28 din, umabot naman sa 14,665 ang mga naisagawang COVID-19 tests ng lungsod matapos makatangap ng 1,436 na test resultsna karamihan ay mula sa mass testing na isinusulong ng pamahalaang lungsod.
Sa bagong tanggap na resulta 1,331 o 93% ay negatibo sa COVID-19.
“Ito po ang sinabi natin dati—sa pagpapaigting natin ng swab testing, hindi malayong marami rin ang makukumpirmang kaso. Pero hindi ibig sabihin nito na bigo ang ating lockdown. Ang resulta ng lockdown ay makikita natin pagkatapos pa ng dalawang linggo,” pahayag ni Mayor Tiangco.
Sa kaugnay na kaganapan, isang araw bago matapos ang lockdown, iniulat ng Navotas Police na hanggang 5 pm kahapon ay umalagwa na sa 5, 853 ang nasasakoteng lockdown violators sa lungsod.
Umabot na ng 304 ang hinuling menor-de-edad habang 5,549 nasa hustong gulang naman ang inaresto.
Muli ay nanghikayat si Tiangco na ‘wag na palampasin ang libreng COVID test ng lungsod, Hulyo 29, 8am-5pm sa sa San Jose Academy covered court.
“Hindi lamang ito para sa inyong kalusugan kundi para na rin sa proteksyon ng inyong mga mahal sa buhay. Huwag pahawa, huwag manghawa,” ani Tiangco.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA