November 17, 2024

3 ‘rapist’ nabitag ng Caloocan police

BAGSAK sa selda ang tatlong lalaki na pawang wanted sa kaso ng panghahalay matapos masakote ng pulisya sa magkakahiwalay na manhunt operations sa Caloocan City.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta, alas-12:30 ng madaling araw ng February 18 nang masakote ng pinagsamang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at Police Sub-Station 1 ang akusadong si alyas “Juan” sa Landaska St., Brgy., 28.

Ang akusado na nakatala bilang top 9 Most Wanted Person (MWP) sa Northern Police District (NPD) ay inarresto sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Caloocan City Regional Trial Court Branch 131 Judge Ma. Teresa De Guzman Alvarez para sa kasong Statutory Rape.
         
Dakong alas-10:40 naman ng gabi nang matimbog sa manhunt operation sa Block 4, Lot 15A, Princess Homes, Barangay 171, Bagumbong ng mga tauhan ng WSS si alyas “Pedro” na nakatala bilang top 5 MWP sa Lungsod ng Caloocan.


Ani Col. Lacuesta, binitnit ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Caloocan City Family Court Branch 1 Judge Barbara Aleli Hernandez Briones noong January 12, 2024, para sa kasong Rape.


Habang nasukol naman sa Tieremas St., Brgy., 156 ng lungsod bandang alas-9:40 ng gabi ng February 19 ng tumutugis na mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 6 si alyas “Jose” na kabilang sa listahan ng mga itinuturing na MWP sa Cabanatuan City.

         
Si “Jose” ay pinosasan ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Ma. Theresa O. Basilio ng Regional Trial Court Branch 8-FC, Cabanatuan City noong January 18, 2020, para sa kasong Statutory Rape (Art 266-A of the RPC).