November 3, 2024

3 POLICE APPLICANT NA NAG-SUBMIT NG FAKE RESULTS NG RT-PCR TEST HULI, 1 PA NAKATAKAS

INARESTO at kinasuhan ang tatlong aplikante sa pagka-pulis matapos slang magbigay ng pekeng RT-PCR test sa recruitment process ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) ang nagpositibo sa COVID 19.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Lorenzo T Eleazar, isa sa tatlong inaresto ay nag-positive sa COVID-19 at ngayon ay inilagay na sa isolation facility habang kasalukuyang pinaghahanap ng pulisya ang pang-apat na aplikante sa pagka-pulis na nagbigay rin ng pekeng RT-PCR test.

Sinabi pa ni PGen Eleazar na nakatakas man sa pag-aresto ang ika-apat na aplikante ay hindi naman ito makalulusot sa kaso at magiging subject pa ng isasagawang follow-up operation.

Kasabay nito, inatasan ni PGen Eleazar ang lahat ng police units na nabigyan ng alokasyon sa mahigit 17,000 police recruits na makipag-ugnayan sa PNP Recruitment and Selection Service Unit para alamin kung may kahalintulad na insidente sa kanilang hanay.

Ayon pa kay PGen Eleazar, aabot sa 66 ang mga police trainee ang nagsumite ng pekeng RT-PCT test results sa kalagitnaan ng recruitment, ngunit 62 dito ang inabsuwelto matapos nilang madiskubre na peke ang dokumentong kanilang naibigay.

“Layunin ng ating bagong sistema sa police recruitment na iyong tunay na qualified at tapat sa serbisyo lamang ang makapapasok sa organisasyon. Itong apat na ito, mag-a apply pa lang magpulis, nakuha nang manloko. Akala yata ay makalulusot. Bukod sa blacklisted na sila sa pag-a-apply sa PNP, may asunto pa sila ngayon,” ayon kay PGen Eleazar.

“Iyong isa na nakatakas, hahabulin natin iyan at pananagutin sa pamemeke niya ng RT- PCR test result,” dagdag pa niya.

Ipinag-utos na rin ni PGen. Eleazar ang disqualification gayundin ang pagsasampa ng kaso laban sa mga Police trainee na nagsumite ng pekeng RT-PCR test results na habang nasa proseso ng recruitment.

“This should serve as a warning to all police applicants who are planning to do something illegal in the recruitment process,” wika ni PGen Eleazar.

Dagdag pa niya, “Hindi kami magpapasok sa organisasyon ng dadagdag lang sa aming problema at magbibigay kasiraan sa PNP. Naniniwala ako na mas marami pa rin na gustong magpulis ang karapat-dapat na bigyan ng puwang sa aming hanay.” (KOI HIPOLITO)