June 7, 2025

“3 Pinoy Seaman Nakakulong sa Algeria, Mga Asawa nagpasaklolo kay PBBM

Umapela ng agarang aksyon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pamilya ng tatlong Filipino seafarer na kasalukuyang nakakulong sa Algeria dahil sa kasong drug trafficking, ilang buwan bago ang nakatakdang final trial sa Oktubre 2025.

Sa isang press conference sa Maynila nitong Biyernes, naglakas-loob ang mga asawa ng mga seafarer na humarap sa publiko upang manawagan ng tulong at diplomatikong interbensyon mula mismo sa Pangulo. Anila, ang direktang pagkilos ni Marcos Jr. ang maaaring magbigay ng pag-asa sa kanilang mga mahal sa buhay na makauwi sa Pilipinas.

“Hindi po namin kayang tiisin ang 15 taon. Mr. President, sana po tulungan ninyo kami. Inosente po ang aming mga asawa,” ayon sa isang asawa na emosyonal na nagbigay ng pahayag.

Ang tatlong Pinoy ay bahagi ng walo na Filipino crew ng barkong MV Harris na nahuli noong Hulyo 2023 sa Algiers, kabisera ng Algeria, matapos makumpiska ang 35.8 kilo ng cocaine sa loob ng sasakyang pandagat.

Sa unang paglilitis, ang walo ay sinentensyahan ng 20 taong pagkakabilanggo, subalit sa isinagawang apela, lima sa kanila ay napawalang-sala at nakabalik na sa Pilipinas. Ang tatlong natira ay hinatulan ng 15 taong pagkakakulong.

Giit ng mga pamilya, hindi nila maintindihan kung bakit naiwan pa rin ang tatlong tripulante gayong sabay-sabay silang naaresto at nagtrabaho sa parehong barko.

Ayon sa isa sa mga asawa, 53 taong gulang na ang kanyang asawa at may iniindang karamdaman, dahilan upang lalo siyang mag-alala para sa kalagayan nito.

“Kapag naging pinal ang hatol na 15 taon, 68 anyos na siya pag nakalaya. Matanda na siya ngayon pa lang. Paano kung lumala ang sakit niya habang nakakulong?”

Ayon sa mga asawa, patuloy naman ang suporta ng Department of Migrant Workers (DMW), Department of Foreign Affairs (DFA), at ng Philippine Embassy sa Libya. Tinulungan din silang makapunta sa Algeria noong Marso upang mabisita ang kanilang mga asawa.

Nagbigay din ang embahada ng karagdagang legal counsel, bukod pa sa dalawang abogado na itinalaga ng ship owners. Patuloy ding nagbibigay ng tulong-pinansyal ang manning agency at kumpanya ng barko.

Ngunit ayon sa mga pamilya, ang pinakamahalagang aksyon ay mula mismo sa Pangulo ng bansa.

“Ang gobyerno po ay tumutulong, at kami po ay nagpapasalamat. Pero sa puntong ito, si President Marcos na lang po talaga ang inaasahan naming magdesisyon para maisalba ang pamilya namin.”

nilahad din ng mga asawa ang matinding emosyonal na epekto ng sitwasyon sa kanilang mga anak at kabuuang kalagayan ng pamilya. May ilan sa kanila ang nagsabing apektado na ang mental health at pag-aaral ng kanilang mga anak dahil sa bigat ng dinaranas na sitwasyon.

“Hindi ko po maipaliwanag ang aking nararamdaman. Ang sakit-sakit po na nakikita kong naghihirap ang asawa ko sa kulungan para sa kasalanang hindi niya ginawa. Napaka-unfair po.”

Sa harap ng nalalapit na trial sa Oktubre, umaasa ang mga pamilya na maaabot ng kanilang panawagan ang Pangulo.

“Mr. President, sana po ay dinggin n’yo ang aming hinaing. Kahit sa pamamagitan ng diplomatic channels, sana ay matulungan n’yo kaming maibalik ang aming mga asawa. Inosente po sila.”