May 6, 2025

3 ‘PEKE’ NA TAO NG COMELEC TIMBOG SA PEKENG INSPEKSYON SA LAGUNA

LAGUNA — Arestado ang tatlong lalaki na nagpanggap na mga empleyado ng Commission on Elections (Comelec) matapos maaktuhang nagsasagawa ng di-awtorisadong inspeksyon sa Silangan Elementary School, dala ang mga pekeng ID at dokumentong may pirma umano ni Commissioner Aimee Ferolino.

Sa ulat ng pulisya, lumitaw na sinubukan ng grupo na silipin ang mga Automated Counting Machines (ACM) sa paaralan kahit wala silang opisyal na pahintulot mula sa Comelec.

Nabuking ang tatlo matapos magsagawa ng verification ang Provincial Comelec ng Laguna, at napatunayang hindi sila mga tauhan ng ahensya.

Dahil dito, agad silang inaresto at ngayon ay nasa kustodiya ng mga awtoridad. Sasampahan sila ng mga kasong Usurpation of Authority at Falsification of Public Documents.

Patuloy ang imbestigasyon ng Comelec at pulisya upang tukuyin kung may mas malalim na motibo o grupo sa likod ng tangkang panlilinlang. (BG)