January 23, 2025

3 PASTOR PATAY, 13 SUGATAN, SUV SINALPOK NG BUS SA QUEZON

ATIMONAN, QUEZON –  Patay ang tatlong pastor na born again christian  habang 13 pang mga pasahero ang nasugatan at nasaktan kabilang ang driver ng  pampasaherong bus ng ALPS Bus Liner na may plakang NGJ 4046 na sumalpok sa sinasakyan ng mga biktima na Toyata Fortuner Sport Utility Vehicle (SUV) na may plakang EAD 336 nuon 10:40 ng gabi ng Martes sa  Maharlika Highway, Barangay Balubad ng nabanggit na bayan.

Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Gener Pablo,  Melandro Bocito, mga residente ng Oas sa Albay at si Chona Pablo ng Daet, Camarines Sur, habang patuloy na ginagamot sa Marta Memorial District Hospital ang iba pa nilang mga kasama na sina Jovelito Amar, 58, (SUV Driver) Noel Sazon Viernes, 50, Jeneth Rull Amar, 55, isang teacher  at Rodolfo Bulo. Nakilala naman ang suspek na driver ng ALPS Bus Liner na si Rosel Diez, 44, na inilipat na sa Batangas Medical Center sa Batangas City at nakauwi na sa kanilang mga tahanan ang sampung iba pa na bahagyang  nasaktan na mga pasahero ng bus.

Ayon sa inisyal na report ni Atimonan Municipal Police Station, Acting Chief of Police Major Elena Lumaban, lumalabas na dahil basa ang kalsada ay dumulas ang gulong ng bus na minamaneho ni Diez  na patungo ng Bicol at inokupa ang linya ng kasalubong na Toyota Fortuner na sinasakyan ng mga biktima na papunta sana ng Dagupan sa Pangasinan para dumalo sa isang Pastoral Convention. Nahagip din ng bus ang nakaparadang Fuso trailer truck na minamaneho naman ni Jeofry Carido Jr., 37, ng Brgy. Salay sa Isabela.

Naisugod pa sa nasabing pagamutan ang mga pasahero ng SUV at Bus subalit idineklarang Dead on arrival (DOA) sina Gener at Bocito samantalang binawian ng buhay si Chona habang nilalapatan ng lunas.

Mahaharap ang driver ng bus na si Diez sa mga kasong Multiple Homecide, Multiple Physical Injuries and Damage to Properties. (KOI HIPOLITO)