December 26, 2024

3 most wanted persons, nasakote ng Malabon, Navotas at Valenzuela police

Person in handcuffs

TATLONG most wanted persons naaresto sa isinagawang magkahiwalay na manhunt operations ng pulisya sa Malabon, Valenzuela Cities at Bulacan.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Amante Daro, nagsagawa ng joint manhunt operation ang pinagsamang mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) at 4th MFC RMFB-NCRPO kontra sa akusadong si Marvin Mosqueda alyas Marvin Mosquida, 26, ng Lot 38, Block 2, Phase 3, Nuestra Señora Homes, Brgy. Panghulo, Malabon City.

Sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Malabon City Regional Trial Court (RTC) Branch 73 noong May 2, 2016 para sa kasong Rape ay dinakip ng mga pulis ang akusado sa kanyang bahay dakong alas-7:00 ng gab.

Sa Valenzuela, bandang ala-1:00 ng hapon nang magsagawa naman ng pagsisilbi ng warrant of arrest ang mga tauhan ng Valenzuela Police WSS sa pangunguna ni PLt Ronald Bautista laban kay Leo Carruzo alyas Leo Eacaroso, 54, sa No. 122 Road 1, I. Marcelo St., Brgy. Malanday.

Ani Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr, ang akusado ay dinakip ng kanyang mga tauhan sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Valenzuela City RTC Branch 75, noong September 20, 1996 para sa kasong Attempted Murder.

Samantala, naaresto naman ng mga tauhan ng Navotas Police WSS at Intelligence Section sa pangunguna ni P/Cpt Luis Rufo Jr, sa joint manhunt operation sa kanyang bahay sa 13 Maripas Subdivision Brgy. Paliwas, Obando Bulacan, alas-11:05 ng umaga ang isa pang MWP na si Alexander Francisco, 53, tricycle driver.

Si Francisco ay pinosasan ng mga pulis sa bisa ng arrest warrant na inisyu ng Pasig City RTC Branch 262 para sa paglabag sa RA 6539 (Anti-Carnapping).