December 25, 2024

3 most wanted person nabitag sa Caloocan, Malabon

SA kulungan ang bagsak ng tatlong most wanted person matapos masakote ng mga awtoridad sa magkahiwalay na manhunt operation in relation to SAFE NCRPO sa Caloocan at Malabon Cities.

Ayon kay Caloocan police chief Col. Ruben Lacuesta, si Heherson Caranatan, 35, ay inaresto ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng Caloocan police sa pangunguna ni P/Major John David Chua sa manhunt operation sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong panggagahasa sa isang babae o Rape kung saan walang inirerekomendang pyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Samantala, nadakip naman ng mga operatiba ng District Intelligence Division ng Northern Police District (DID-NPD) sa pamumuno ni P/Col. Allan Umipig ang most wanted na kinilala bilang si Erwin Villaruel, 34 ng Barangay 179, Caloocan City.

Isinagawa ng mga operatiba ng DID ang intelligence-driven operation matapos ang natanggap na impormasyon na naispatan ang presensya ng akusado sa Anapla St., Amparo Subd. Brgy. 179 na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya dakong alas-5:30 ng hapon sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Attempted Murder.

Sa Malabon, natimbog din ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon police at Sub-Station 3 sa pangunguna ni PLT Melanio Medel Valera III sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Albert Barot sa joint manhunt operation sa Yanga St. Brgy. Maysilo dakong alas-11:15 ng umaga ang akusado na kinilala bilang si Roberto Reyes, 50, sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong paglabag sa RA 8353.

Ang pagkakaaresto sa tatlong most wanted person ay dahil sa pinaigting na kampanya kontra wanted persons ng NPD sa pamumuno ni Acting Director P/Col. Ponce Rogelio Peñones Jr.