November 5, 2024

3 MIYEMBRO NG DRUG GROUP PATAY SA P68M SHABU SA CEBU


CEBU CITY- Patay ang tatlong mga suspek na mga pinaghihinalaang mga drug personalities sa inilunsad na joint operations ng Philippine Drug Enforcement Group (PDEG), Special Operations Unit (SOU 7), Central Visayas, Regional Intelligence Division-Cebu Intelligence Unit (RID 7), Cebu City Provincial Police Office (CPPO), CIDG 7, PDEA  Regional Office 7, Highway Patrol Group 7 at Cebu Mobile Force Company (CMFC) na nagsagawa ng drug buy-bust operation na nauwi sa armed encounter bandang alas nuwebe ng gabi noong Huwebes sa Brgy. Campo 4, Talisay City at Brgy. Tap Tap ng nasabing bayan.

Base sa report ni PDEG Director PBGen. Remus Medina, sa tanggapan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Guillermo Eleazar, isa sa tatlong mga suspek na napatay ay nakilala lamang sa alyas na “Levon” habang inaalam pa ang pagkaka-kilanlan ng dalawa pang nasawi.

Narekober sa lugar ng crime scene ang 10 pakete na naglalaman ng mga pinaghihinalaang shabu na meron timbang na 10 kilo at nagkakahalaga ng estimated market value na P68,000,000, isang black travelling bag, isang silver Toyota Vios, isang cal. 45 pistol, isang cal .38 revolver at isang M16 armalite rifle.

Sinabi naman ni PGen. Eleazar na ang PNP ay nanatiling tapat at lumalaban sa malalaking giyera kontra iligal na droga at hindi pahihintulutan na ma-involve ang sinuman sa kanilang hanay sa kalalakalan ng droga. “We remain constantly working with PDEA to crush the real enemy,” pagtatapos niya. (Koi Hipolito)