June 3, 2025

3 “Missing” goat trader mula sa Batangas, natagpuang patay sa Maguindanao Del Sur

KALUNOS LUNOS ang sinapit ng tatlong biktimang mga kalalakihang naghahanapbuhay bilang mga goat traders mula sa bayan ng Calatagan, Batangas makaraang matagpuan ang kanilang mga bangkay na mga nakatali ang mga kamay sa isang hukay na may lalim na 4 feet sa loob ng rubber plantation sa Sitio Goma, Barangay Nabundas, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao Del Sur, noong umaga ng Biyernes, May 30, 2025.

Ang mga biktima ay sina John Luis Olarte, 22-anyos; Gerry Olarte, 31-anyos; at si Ronald Alumno, 47 taon gulang, na mga naiulat na nawawala noon pang May 11, 2025.

Kinumpirma naman ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region Spokesperson PLtCol. Jopy Ventura, na ang mga natagpuang bangkay sa nabanggit na lugar ay ang tatlong mga nawawalang goat trader mula sa Batangas, matapos umanong kumpirmahin ng kanilang mga pamilya.

Ayon sa mga kaanak ng tatlong biktima huli nilang nakausap ang mga biktima bandang alas siyete ng gabi ng May 11, 2025 na mga umalis sakay ng isang L-300 Van para magdeliver ng mga hybrid na kambing sa kanilang kliyente na si alyas “Khomenie Bansuan Tan” na taga Barangay Linantangan, Mamasapano at itinuturong pangunahing suspek sa krimen.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad mula sa mga residente sa lugar limang armadong lalaki umano ang dumukot sa mga biktima at dinala sa liblib na bahagi ng plantasyon at walang awang pinaslang bago inilibing sa mababaw na hukay.

Nagpapatuloy hanggang sa ngayon ang isinasagawang malalimang imbestigasyon ng mga otoridad para malaman ang mga pagkatao ng iba pang mga salarin at ang motibo sa krimen. (KOI HIPOLITO/ERICHH ABRENICA)