December 25, 2024

3 kulong sa tinangay na P292K halaga ng sliding windows sa Valenzuela

KALABOSO ang tatlong katao matapos umanong tangayin ang halos P.3 milyon halaga ng sliding at awning windows sa isang warehouse sa Valenzuela City.

Kinilala ni Valenzuela police chief Col. Salvador Destura Jr ang mga naarestong suspek bilang si Marivic Manaog, 29, office staff, residente ng Brgy. Paso De Blas, Mark Dorenn Alcomendras Ortega, 30, supervisor, residente ng Brgy  Gen. T. De Leon, at Ferdinand Pletchetero, 31, production staff, residente ng Brgy. Bignay at pawang mga empleyado ng window company.

Ayon kay Sub-Station 1 Commander Police Captain Richie Garcia, isang Daisy, staff mula sa window company ang nakahuli kay Pletchetero naglalabas ng limang pirasong sliding windows na may screen.

Tinanong ng witness na si Daisy ang manager kung siya ang nagbigay ng order na ilabas ang mga sliding windows subalit, itinanggi  ito ng manager habang itinuro umano ni Pletchero si Manaog at ang supervisor na si Mark na inutusan lang siya ng mga ito.

Kaagad humingi ng tulong sa dalawang miyembro ng barangay security force at mga tauhan ng SS1 ang staff at general manager ng kompanya na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Narekober ng pulisya sa bahay ni Manaog ang 79 pirasong sliding windows na may screen, at 43 pirasong awning clear glass windows na umaabot sa P292,700 ang halaga habang nahaharap ang mga suspek sa kasong Qualified Theft.