November 23, 2024

3 katao sugatan sa pananaksak sa Malabon

SUGATAN ang dalawang construction worker matapos pagsasaksakin ng kapitbahay na kanila umanong ininsulto habang nasugatan din ang isang babae dahil sa pag-awat sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.

Inoobserbahan sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang mga biktima na sina Jessie Belarma, 31, Art John Arevalo, 30 at si Mahalia Pojas, 25, na nagtamo ng sugat sa kaliwang pulso, pawang residente ng No.133 Lupa Association, Block 1, Letre Road, Gozon compound, Brgy. Tonsuya.

Naaresto naman ng mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 sa follow-up operation ang suspek na si Melvin Pojas, 34, helper at nakatira din sa nasabing compound.

Sa ulat nina PSSg Ernie Baroy at PSSg Diego Ngippol kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, habang nag-iinuman ang mga biktima sa kanilang compound nang dumating ang suspek mula sa kanyang trabaho dakong alas-11:40 ng gabi at pinagsabihan umano siya nina Belarma at Arevalo ng nakakainsultong salita.

Nagkaroon ang mga ito ng mainitang pagtatalo hanggang sa mauwi sa suntukan subalit, matapos silang maawat ng kanilang mga kamag-anak ay umakyat sa kanilang bahay ang suspek at kumuha ng patalim saka inundayan ng saksak si Belarma at Arevalo habang nahagip din ng saksak si Mahalia dahil sa pag-awat.

Matapos ang insidente, isinugod ang mga biktima ng kanilang mga kaanak sa nasabing pagamutan habang tumakas naman ang suspek subalit, nagawa siyang matunton ng mga pulis at maaresto.