SWAK sa kulungan ang tatlong lalaki matapos maaresto ng pulisya sa magkahiwalay na operation dahil sa illegal na pagdadala at panunutok ng baril sa Caloocan City.
Hawak pa ng suspek na si alyas “Jose”, 57, ang kalibre .38 revolver na Armscor na naglalaman ng apat na bala habang nakasukbit naman sa baywang ni alyas “Carlos”, 24, kapuwa ng Brgy. 178 Camarin, ang walang tatak na kalibre .38 revolver na may tatlong bala nang arestuhin sila ng mga tauhan ng Camarin Police Sub-Station 10 dakong alas-2:40 ng madaling araw sa Villa Camarin Civic Organization (CCO) sa naturang barangay.
Sa ipinarating na ulat ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, nagpapatrulya ang mga tauhan ng Camarin Police Sub-Station 10 sa naturang barangay nang lapitan sila ng lalaki na isa sa tinutukan ng baril ng mga suspek upang isumbong ang paghahasik ng sindak ng dalawa.
Kaagad na nagtungo ang puwersa ng Sub-Station 10 sa tinutukoy na lugar sa Villa CCO at dito nila naaktuhan si alyas Jose na hawak pa ang ipinanunutok na baril na nagresulta sa kanilang pagkakadakip.
Nauna rito, naaktuhan naman ng mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Bulabog sa Josefina Street, 3rd Avenue, Grace Park, Barangay 120, dakong ala-1:40 ng madaling araw si alyas Anthony, 29, helper ng Brgy. 120 na may sukbit na baril.
Nang wala siyang naipakitang mga dokumento hinggil sa pagkakaroon at pagdadala niya ng nakuha sa kanya na isang cal. 9mm pistol na may magazine at kargado ng tatlong bala sa labas ng kanyang tahanan ay wala siyang naipakita kaya dinakip siya ng mga pulis.
Ayon kay Col. Lacuesta, sasampahan nila ang mga suspek ng kasong paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition sa Caloocan City Prosecutor’s Office.
More Stories
DIGONG TATAYONG ABOGADO NI VP SARA VS IMPEACHMENT
Christmas holiday: BI nagtala ng halos 190,000 na mga biyahero sa mga paliparan
Sharks Billiards Association inaugural season… TAGUIG STALLIONS ANG KAMPEON