December 19, 2024

3 dugista tiklo sa P360K droga sa Malabon buy bust

Photo courtesy: Northern Police District – National Capital Region Police Office/FB

SA loob ng selda ang bagsak ng isang ginang na tulak ng illegal at dalawa niyang kasabwat matapos makuhanan ng mahigit P.3 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.


Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jonathan Tangonan ang naarestong mga suspek na sina Esmeralda Reyes, 49 ng Del Rosario Street, Merville, Brgy. Dampalit, Joseph Givero, Jr, 43, ng 168 Sampaguita St. Brgy. Tanza, Navotas City, at Garry Enriquez, 35, ng Sacrista St. Brgy. San Agustin.


Sa ulat ni Col. Tangonan kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-5 ng umaga nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Malabon police sa C. Arellano Street, Brgy. San Agustin.


Sinabi pa ni Col. Tangonan na kabilang umano si Reyes sa listahan ng mga high value individuals (HVI) na tulak ng droga na may sentro ng operasyon sa Barangay San Agustin at kalapit na mga barangay, kasabuwat ang dalawa niyang tauhan.


Nang tanggapin ng mga suspek ang P4,000 marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.


Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 53.3 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P 362.,440.00, pati na ang tunay na P1,000 at tatlong pirasong P1,000 boodle money na ginamit sa buy-bust operation.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.