HIMAS-REHAS ang tatlong drug personalities matapos maaresto sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naarestong mga suspek na sina Michael Apita, 40, (pusher/listed), Nestor Vuitizon alyas “Totoy”, 45, waiter, kapwa ng Brgy. NBBN at Yolanda Flores, 68, ng Bayan-Bayanan, Malabon City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Cortes na dakong alas-11:37 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforccement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Genere Sanchez ng buy bust operation sa River Side Brgy. Bangkulasi matapos magpositibo sa kanilang validation ang ibinuyag sa kanila ng isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa iligal drug activities ni Apita.
Matapos tanggapin ni Apita ang P500 marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinakma ng mga operatiba, kasama ang kanyang kasabwat na si Vuitizon at si Flores na bumili rin umano sa kanila ng droga.
Ani PSSg Jeric Delos Reyes, nakumpiska sa mga suspek ang nasa P5.8 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P39,440, buy bust money at isang P500 bill recovered money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
More Stories
P10.4M Confidential fund nawawala… VP SARA SWAK SA ASUNTO – REP. LUISTRO
PILIPINAS NAGHAHANDA NA PARA MAG-HOST SA FIVB 2025 MEN’S WORLD
BILANG NG KASO NG DENGUE SA NCR LUMOBO