November 19, 2024

3 drug suspect kulong sa baril at marijuana sa Caloocan

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng tatlong drug suspects, kabilang ang isang tattoo artis matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni P/Major Jeraldson Rivera, hepe ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Northern Police District (NPD) ang naarestong mga suspek na sina alyas “Jonathan”, 21, tattoo artist, “Loyd’, 20, construction worker at “Justin”, 20, estudyante.

Sa report ni Major Rivera kay NPD Director P/BGen. Rizalito Gapas, ikinasa nila ang buy bust operation kontra kay “Jonathan” matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta umano nito ng marijuana.

Nang tanggapin ni “Jonathan” ang markadong salapi mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang sachet ng pinatuyong dahon ng marijuana ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama ang dalawang pang suspek dakong alas-12:20 ng madaling araw sa Bayanihan St., Brgy. 159, Baesa.

Ani Major Rivera, nakumpiska sa mga suspek ang nasa 25 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P3,000, buy bust money, isang improvised gun na may isang bala ng cal. 357, patalim, tatlong plastic container na may laman lupa at mga buto ng marijuana at isang plastic container na may tanim na marijuana.

Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002), R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act) at B.P. 6.