September 16, 2024

3 DRUG PERSONALITIES, ARESTADO SA VALENZUELA


Arestado ng pulisya sina Julius Dela Cruz, Clemente Delaro at Arjay Alejandro sa magkakahiwalay na operasyon sa Valenzuela City. (RIC ROLDAN)

ARESTADO ang tatlong hinihinalang drug personalities sa magkahiwalay na operation ng pulisya sa Valenzuela city.

Sa nakarating na report kay Valenzuela city police chief Col. Fernando Ortega, nasabat ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP-3) na nagsasagawa ng checkpoint sa Pio Valenzuela St. Brgy. Marulas si Arjay Alejandro habang nagmamaneho ng walang lisensya.

Nang kapkapan, narekober sa kanya ang plastik sachet ng hinihinalang shabu at P2,700 cash.

Natimbog din sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa harap ng One Mall sa Brgy. Gen T. De Leaon, Valenzuela si Clemente Delaro. Nakumpiska sa suspek ang buy-bust money at dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu.

Nasakote din ng mga operatiba ng SDEU notoryus umanong tulak ng droga  na si Julius Dela Cruz matapos bentahan ng isang sachet ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer sa isinagawang buy-bust operation sa kahabaan ng M.H Del Pilar Malanday, Valenzuela.

Humigi’t kumulang sa 38 gramo ng hinihinalang shabu ang nakuha sa suspek at buy-bust money.