December 24, 2024

3 CONGRESSMAN PINABABALATAN SA OMBUDSMAN

Nagsagawa  si Task Force Kasanag (TFK) president John Chiong ng isang press conference sa Quezon City kasama si TFK legal counsel Eugene Alfaraz para pag-usapan ang kanilang reklamo laban sa tatlong congressman dahil sa posibleng paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.” (Kuha ni ART TORRES)

NAGSUMITE sa Office of the Ombudsman ang isang corruption watchdog ng mga ebidensiya kaugnay sa mga aktibidades ng tatlong partylist representatives.

Sinabi ni John Chiong, pangulo ng Task Force Kasanag, hiniling nila sa Ombudsman na magsagawa ng imbestigasyon base sa mga isinumite nilang ebidensiya laban kina ACT-CIS Rep. Eric Yap, AKO-Bicol Rep. Zaldy Co at CWS Rep. Edwin Gardiola.

Dagdag nito, si Yap ang namuno sa makapangyarihang House Committee on Appropriations at miyembro naman sina Co at Gardiola.

Ayon pa kay Chiong, pag-aari ng pamilya ni Yap ang Earthyard Corp., na nag-aangkat ng mga materyales na mula sa China at isinalarawan na sub-standards kayat mapanganib na gamitin sa mga konstruksyon.

Ibinibenta diumano ni Yap sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ang mga mahinang klaseng materyales na mas mataas pa ang presyo kumpara sa mga imported high-quality na materyales.

Ginagamit aniya ang mga ito sa mga pampublikong proyekto at ayon kay Chiong, may ilan na sa mga ito ang gumuho.

Ukol naman sa partisipasyon nina Co at Gardiola, kabilang ang mga ito diumano sa nakikinabang sa P50 bilyong pondo para sa ‘landslide protection projects’ sa pamamagitan ng pagbebenta ng mga kontrata. Inaalam at nangangalap na rin aniya sila ng mga karagdagang ebidensya ukol sa mga pinagdududahan nilang mga opisyal ng DPWH na may kinalaman sa ‘modus.’