November 5, 2024

3 CHINESE NATIONAL, KALABOSO SA P8-M DROGA

NAGWAKAS ang pamamayagpag ng tatlong Chinese citizens sa pagbebenta illegal na droga sa online matapos maaresto ang mga ito magkahiwalay na operasyon sa Pasay at Paranaque City.

Ayon sa Philippine National Police – Philippine Drug Enforcement Group (PNP-PDEG), Miyerkules ng gabi nang madakip ang isang 26-anyos na Chinese na lalaki sa Pasay City matapos mahulihan ng shabu na nagkakahalaga ng P7 milyon.

Nasamsam din sa sindikato ang ibinebentang ketamine, kush, ecstasy at iba pang illegal na droga. “Nakakita tayo ng tinatawag na mobile kitchen type ng shabu laboratory. Though ito ay maliit lang, nakita natin kung paano niya nagagawan ng paraan na makapag-manufacture itong mga suspek ng iligal na droga,” ayon kay PNP-PDEG spokesperson Police Lieutenant Dhame Malang.

Sa ikinasang follow-up operation, isang lalaki at babaeng Chinese ang naaresto sa Paranaque City matapos magbenta ng halagang P500,000 halaga ng shabu sa undercover operatives.

Ayon sa pulisya, isinasagawa ng mga suspek ang kanilang transaksyon sa online sa pamamagitan ng group chat sa Telegram.

Ayon sa mga awtoridad, na iba ang ibinebentang illegal na droga ng mga suspek kung ikukumpara sa droga rito sa Pilipinas.

“Base sa reports na nakuha natin, mas iba yung tama or mas mababa ang tama nito, at napag alaman natin na yung pagbebenta ng mga nakuha nating illegal drugs ay mas mababa kumpara sa value nito sa market,” ayon kay Malang.

Umabot sa P8.1 ang kabuuang halaga ng illegal na droga na nasabat sa nasabing mga operasyon.