November 2, 2024

3 ARESTADO SA P1 MILYON SHABU SA CALOOCAN AT VALENZUELA

Nasamsam ng mga awtoridad ang mahigit P1 milyon halaga ng illegal na droga sa tatlong hinihinalang drug pushers matapos maaresto sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Caloocan at Valenzuela Cities.

Ayon kay Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr, ang pagkakaaresto kay Jonell Chavez alyas “Kokoy”, 50, (pusher) ay resulta ng isang linggong validation ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) matapos ang natanggap na impormasyon mula isang impormante hinggil sa umano’y illegal drug activity ng suspek.

Dakong alas-12:20 ng Biyernes ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PMAJ Deo Cabildo, kasama ang mga tauhan ng 6th MFC RMFB-NCRPO sa pangunguna ni PMAJ Vilmer Miralles ang buy-bust operation malapit sa bahay ng suspek sa Phase 6, Purok 3, Camarin, Brgy. 178, na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.

Narekober kay Chavez ang humigit-kumulang sa 45 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P306,000.00, buy-bust money na isang tunay na P500 bill at 7 pirasong P1,000 boodle money.

Nauna rito, dakong alas-9 ng Huwebes ng gabi nang maaresto din ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) sa pangunguna ni PMAJ Amor Cerillo sa ilalim ng pangangasiwa ni PLTCOL Renato Castillo sa buy-bust operation sa Bagong Sibol, Purok 4, Brgy. Mapulang Lupa, Valenzuela City si Danny Beltran, 21, at Paulo Rejuso, 27, kapwa (watchlisted).

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa P105 grams ng hinihinalang shabu may standard drug price P714,000.00, nasa 60 grams ng hinihinalang marijuana na may standard drug price P7,200, digital weighing scale, itima na belt bag, at buy bust money na isang P1,000 bill at 6 pirasong P1,000 boodle money.Kaugnay nito, pinuri ni NPD Director PBGEN Jose Hildalgo Jr, ang mga operatiba ng DDEU-NPD at Caloocan police SDEU dahil sa matagumpay na drug operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek at pagkakakumpiska sa naturang illegal na mga droga. (JUVY LUCERO)