September 19, 2024

3 ARESTADO SA BUY-BUST SA NAVOTAS

ARESTADO ang tatlong lalaki nang bentahan ng shabu ang isang parak sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas City.

Kinilala ni Navotas Police Chief Col. Rolando Balasabas ang naarestong mga suspek na si Neil Dumalasco, 40, ng 61 B Daanghari St., Brgy Daanghari, Navotas City; Angelo Leongson, 31, ng Taurus St., Blk 34, Lot 4, Brgy San Roque, Navotas City; at Edwin Galanga, 40, ng 83 Judge A Roldan St., Brgy San Roque, Navotas City.

Ayon kay Col. Balasabas, isinagawa ang buy-bust operasyon ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Genere Sanchez laban sa mga suspek sa kahabaan ng Tulay Uno, Brgy. Daanghari, Navotas City, alas-4:30 ng madaling-araw.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang P300 markadong salapi mula sa isang undercover pulis kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad silang inaresto ng mga operatiba.

Umabot sa 12.4 gramo ng shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P84,320, buy-bust money at P300 bills ang nakumpiska sa mga suspek.

Paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang ikakaso sa tatlo.