January 23, 2025

3 araw na Training for Trainers matagumpay na naisagawa ng LTO

NAGSAGAWA ang Land Transportation Office (LTO) ng isang training workshop sa lahat ng matataas na opisyal ng law enforcement personnel ng ahensiya sa buong bansa bilang hakbang upang mahigpit na maipatupad ang mga patakaran at regulasyon sa kalsada para sa kaligtasan ng lahat.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor Mendoza II layon ng tatlong araw na Training for Trainers (TOT) na palawakin ang kaalaman at kasanayan ng law enforcement personnel ng ahensiya upang matiyak ang displina ng mga motorista, lalo na ngayong inaasahan na marami ang magbibiyahe para sa Holiday season.

“Those who underwent this three-day training seminar are expected to conduct their own training program to all our law enforcement personnel in every province and region,” saad ni Assec Mendoza. “Our goal is to continuously upgrade the knowledge and skills of our law enforcement personnel to compel motorists to behave and observe discipline every time they use the road,” dagdag pa nito.

Sinabi rin nito na ang naturang training programs ay bilang suporta sa adbokasiya ni Department of Transportation Secretary Jaime Bautista na palakasin ang road safety measures sa buong bansa.

Pinangasiwaan ang tatlong araw na training program ng Traffic Safety Division (TSD) sa ilalim ng Law Enforcement Services (LES) at nakatutok sa pagpapatupad ng mga probisyon ng Memorandum Circular (MC) No. VDM-2024-2019, na may kinalaman sa Revised Guidelines for the Deputation of LTO Deputies and Deputized Agents.

Mainit na tinanggap ni LTO Executive Director Greg Pua, Jr. ang lahat ng participant sa pagbubukas ng seminar at iginiit ang kahalagahan ng mga LTO enforcer na palaging updated sa traffic rules and regulations upang mapabuti ang kaligtasan ng lahat na gumagamit ng kalsada.

Present bilang resource persons sina TSD Acting Chief Danilo J. Encela; Traffic Safety Training and Advocacy Section Chief Beverly C. Sabela; Enforcement Section Chief Farish H. Lim; Regulation Section Chief Joel V. Ybañez; Intelligence and Investigation Division (IID) Chief Renante G. Melitante; at Transportation Regulation Officers Allan L. Garcia at Jerome C. Rodriguez.

Ayon kay Assec Mendoza, umaasa siya na maipatutupad ng mga LTO enforcement officers ang lahat ng kanilang natutunan sa tatlong araw na aktibidad pagbabalik nila sa kani-kanilang rehiyon.