December 24, 2024

3-anyos na senior citizen, 50K na centenarians miyembro ng PhilHealth? – Tolentino


PINUNA ni Senator Francis Tolentino ang aniya’y “overbloated” database ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), kung saan may nakalistang senior citizen na tatlong taong gulang pa lamang habang libo naman ang idineklara bilang centenarians.

Sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole, ibinunyag ni Tolentino ang listahan kung saan ang mga miyembro na may edad 60-anyos pababa ay nakadeklarang ‘active senior citizens’.

“There’s a PhilHealth classification of senior citizens below 60 years old. Papaano naman po nangyari ‘yung senior citizen ka below 60 years old?” tanong ni Tolentino sa mga opisyal ng PhilHealth.

“Dito po sa figures na pinapakita ko, meron po ditong isang senior citizen na 18 years old. Meron po dito three years old, ginawa n’yong senior citizen. Three years old lang,” dagdag pa nito.

Sa dokumentong nakuha ng tanggapan ni Tolentino, nakita doon na may 40,000 na centernarians sa isang rehiyon habang ang isang rehiyon naman ay may nakalistang 10,000 centenarian bilang miyembro ng PhilHealth.

Dahil dito, sinabi ni Tolentino na panahon na para linisan ang database ng ahensiya.

“So it is possible that we have an overbloated list of members?” he asked. “Kaya ko po binabanggit baka tayo magkaproblema, ‘pag pinatupad po yung national ID system kasi maraming kukunin sa PhilHealth records tapos… pinakamarami po tayo — super centenarian — sa buong mundo?”

“Kailan matatapos yung pagke-cleanse ng records niyo, baka bumoto pa yung iba dito,” saad pa nito.

Sagot naman ni Philhealth President at CEO Ricardo Morales, magbubuo ang ahensiya ng posisyon na reresolba sa isyu ng database nito.

“Ang PhilHealth ang may pinakamalaking database, 109 million members at constant ho na nililinis,” sagot ni Morales sa mga senador.

“Magke-create ho kami ng posisyon na corporate data officer,” aniya pa.

Dagdag nito na magpapasaklolo ang PhilHealth sa Philippine Statistics Authority at Department of Social Welfare and Development upang linisin ang database ng state insurer.