November 18, 2024

3 adik sa Caloocan timbog sa pot session

ARESTADO ang tatlong sangkot umano sa illegal na droga kabilang ang isang bebot matapos mahuli sa akto ng mga pulis na sumisinghot ng shabu sa Caloocan city, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief Col. Dario Menor ang naarestong mga suspek na si Pibrico Lunday, 27, Jeffrey Milanes, 37, at Khim Claire Vergara, 20, pawang ng East Libis St. Brgy. 160 ng lungsod.

Batay sa ulat, alas-4:15 ng madaling araw nang respondehan ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 6 sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. Brian Ramirez ang tawag sa telepono mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap umanong pot-session sa Blk 4 East Libis St. Brgy. 160.

Pagdating sa lugar, nakita ng mga pulis ang mga suspek na sumisinghot ng shabu subalit, nang mapansin ng tatlo ang pagdating ng mga parak ay tinangka ng mga ito na tumakas.

Gayunman, nagawang maaresto ang mga suspek nina PCpl Sherol De Vera at PCpl Joseph Suriaga kung saan nakumpiska sa kanila ang aabot sa 18.7 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P120,000 ang halaga at drug paraphernalias.

Kakasuhan ng pulisya ang mga suspek ng paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutors Office.