November 24, 2024

2ND BOOSTER PARA SA MGA SENIOR CITIZEN, HEALTH WORKERS AT CHIKITING BAKUNATION SA LAS PIÑAS MAGSISIMULA NA

PINULONG ni Vice Mayor April Aguilar ngayong araw ang mga doktor ng City Health Office na pinamumunuan ni Dra. Julie Gonzalez upang mailatag ang magiging paghahanda ng lungsod sa pagbabakuna sa mga Senior Citizens at mga Health workers ng kanila 2nd Booster shot na magsisimula na sa lunes May 23,2022.

Inalam mabuti ng naturang vice mayor ang pamamaraan sa pagbabakuna ng 2nd booster at binigyang diin nito na nais nila ni Mayor Mel Aguilar na maipaabot at maipaliwanag din nang maayos sa lahat ang mga dapat malaman upang mawala ang pag-aalinlangan ng ating mga kababayan.

Ang mga A1 at A2 na maaari nang mabigyan ng 2nd booster ay makakatanggap ng text message upang malaman ang lugar at oras ng kanilang bakuna.

Iminungkahi rin ni Vice Mayor Aguilar na magbubukas muli ang community sites sa Verdant Covered Court, Golden Acres Covered Court, Almanza Uno Covered Court, San Antonio Covered Court, Bambusetum Covered Court, Gatchalian Covered Court at T.S Cruz Covered Court bilang karagdagang vaccination sites na gagamitin sa 2nd booster shot.

Bukod pa rito pinaghahandaan din ng lokal na pamahalaan ang Chikiting BakuNation na isasagawa sa May 30 hanggang June 10, 2022 sa buong Metro Manila kabilang ang Las Piñas.


Target ng programang ito na makapagbakuna ng mga sanggol na may edad mula 0 hanggang 23 buwan na gulang. Ang mga bakunang maaaring ibakuna sa mga sanggol ay ang mga sumusunod: BCG o bakuna kontra TB, Penta-hib o 5in1, Oral Polio at bakuna kontra tigdas.

Upang mas mabilis na maipaabot sa mga magulang na may anak tulad sa nasabing edad, inatasan ni Vice Mayor ang City Health na gawing bahay-bahay ang pagbabakuna kung saan ang mga tauhan at medical staff ng bawat barangay health center ang magsasagawa nito sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Hinihikayat ng pamahalaang lokal ang lahat na makiisa sa mga programang pangkalusugan ng lungsod na siyang makakapagdagdag kaligtasan at iwas sa mga sakit na maaaring kumalat sa panahong ito. Paalala parin ni Mayor at Vice Mayor Aguilar na palaging mag-ingat at panatilihin ang disiplina sa lahat ng oras. (DANNY ECITO)