Upang mabigyan ng mga masustansiyang pagkain ang mga residente, naglagay ang pamahalaang lungsod ng Quezon City sa pamamagitan ng kanilang Social Services Development Department (SSDD) ng mga feeding station sa bawat Yakap Day Care Center sa siyudad.
Tinatayang nasa kabuuang 295 feeding stations ang itinayo sa buong siyudad bilang bahagi ng #GrowQC Nutritious feeding program na layong makapagbigay ng healthy meals.
“All our feeding stations established in 295 daycare centers can feed up to 100 families a day. Kada araw, nakakapagbigay tayo ng masustansyang pagkain sa 29,500 na pamilya na bahagi ng most vulnerable sector ng ating komunidad,” saad ni Mayor Joy Belmonte.
Gumawa ng menu ang nutritionist-dietitians ng SSDD at naghanda ng iba’t ibang masusutansiyang pagkain tulad ng Monggo dilis with spinach/malungay, misua veggie soup, adobong kangkong at ginisang repolyo, sayote, at carrots sa tulong ng day care workers at mga boluntaryong magulang.
Galing ang sangkap ng naturang pagkain sa urban farms ng siyudad para na rin mabigyan ng kabuhayan ang urban farmers sa New Greendland (Brgy. Bagong Silangan), Villa Viena (Brgy. Novaliches) at Sitio Uno (Brgy. North Fairview).
“Bukod sa nakakapagbigay tayo ng nutritious meals sa ating mga residente, nabibigyan din natin ng dagdag kita ang ating urban farmers dahil sa kanila nanggagaling ang mga gulay na sangkap sa ating mga inihahain tulad ng spinach, pechay, at kangkong,” paliwanag ni Mayor Belmonte.
“This program also promotes the importance of urban farming. Hinihikayat namin ang mga residente na magkaroon ng sarili nilang urban garden sa kanilang bakuran. Ang lungsod ay handang umalalay sa inyo para makapagsimula kayo,” dagdag pa nito.
Ayon kay SSDD chief Fe Macale, karamihan sa mga benepisyaryo ng programa ay ang mga taong labis na apektado ng pandemya.
“Karamihan ng mga beneficiary ng ating feeding program ay mga nawalan ng trabaho ngayong may pandemya kaya hanggang nasa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) pa ang NCR, magbibigay tayo sa kanila ng libre at masusustansyang pagkain araw-araw,” wika ni Macale.
Bukod sa feeding station, naglilibot din sa siyudad ang #GrowQC mobile kitchen upang maghatid ng masustansiyang pagkain sa mga komunidad.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA