
Manila — Umabot na sa 26 Pilipino ang umalis sa Israel sa pamamagitan ng boluntaryong repatriation program ng Philippine Embassy sa Tel Aviv, ayon sa pahayag ng embahada nitong Linggo.
Sa isang post sa social media, sinabi ng embahada na sinamahan nila ang mga repatriadong Pilipino mula Israel papuntang Jordan sa Allenby Border Crossing. Kasama rin sa proseso ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang masiguro ang maayos na paglalakbay ng mga ito.
Inasikaso ng embahada ang mga transportasyon, transit visa, travel documents, at tiket sa eroplano ng mga repatriado. Bago umalis, nanatili sila sa shelter ng DMW kung saan nakatanggap sila ng mga relief packages, libreng legal na serbisyo tungkol sa kanilang mga benepisyo, at briefing ukol sa reintegration program sa Pilipinas.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, ang unang grupo ng mga umuwing OFW ay inaasahang darating sa Pilipinas sa Martes ng umaga. Kasalukuyan namang pinoproseso ng gobyerno ang repatriation para sa karagdagang 233 Pilipino mula sa Israel.
Ang boluntaryong repatriation ay bahagi ng agarang hakbang ng gobyerno upang protektahan ang mga Pilipinong nasa Gitnang Silangan dahil sa tumitinding sigalot sa rehiyon.
Noong Hunyo 13, nagsagawa ng mga airstrike ang Israel laban sa Iran, na diumano’y naglalapit ng paggawa ng nuclear weapon. Bilang tugon, naglunsad naman ng airstrike si Iran sa Israel. Nitong Linggo, sumalakay ang Estados Unidos sa tatlong nuclear facilities ng Iran.
Itinatanggi ng Iran na naghahangad ito ng nuclear weapons at ipinagtatanggol ang paggamit ng nuclear technology para sa mapayapang layunin bilang kasapi ng Non-Proliferation Treaty (NPT). Samantala, ang Israel ang tanging bansa sa Gitnang Silangan na pinaniniwalaang may nuclear weapons ngunit hindi ito kinukumpirma o itinatanggi.
More Stories
VLOGGER NA HUMIGA SA LOOB NG FREEZER SASAMPOLAN NG ALFAMART
Mindoro Tamaraws, Nagwagi Laban sa Muntinlupa Cagers; Rizal Tinalo ang Imus
IRAN BINOMBA NG US (Pinas nanawagan ng diplomasya sa gitna ng tumitinding tensiyon sa Middle East)