January 23, 2025

22K PULIS IKAKASA SA SONA

Sinagot ni NCRPO Chief PMGen. Jose Melencio Nartatez Jr. kasama si QCPD Dist Dir BGen. Redrico Maranan, ang mga katanungan mula sa media sa ginanap na “Talk to the Press” sa Quezon City Police District headquarters sa Camp Karingal, Quezon City ngayong araw kaugnay sa paghahanda at wastong koordinasyon para sa paparating na events kabilang ang 3rd State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Hulyo. (Kuha ni ART TORRES)

KINOMPIRMA ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., nanatiling nakaalerto ang pulisya at hindi magpapakampante para matiyak ang seguridad sa Metro Manila.

Wala umanong namo-monitor na banta ng kaguluhan o terorismo sa Kalakhang Maynila sa nalalapit na ikatlong  State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa darating na July 22.

Aniya, aabot sa 22,000 pulis ang ipapakalat at magbibigay ng seguridad sa kasagsagan ng SONA ni Marcos Jr. partikular sa Batasang Pambansa sa Quezon City.

Inihayag ni Nartatez na inaasahan na nila ang pagtitipon-tipon ng mga raliyista sa labas o malapit sa Batasang Pambansa kaya tiniyak ng opisyal na ipatutupad ng mga pulis ang maximum tolerance basta payapa  ang pagsasagawa ng kanilang programa o kilos protesta at hindi maapektuhan ang peace and order.

Binati rin ni Nartatez ang QCPD para sa accomplishment nito sa kampanya kontra illegal na droga at illegal possession of firearm. “Gen. Maranan together with his 16 different station commanders, mataas ang accomplishment rate laban sa illegal na droga at ilegal na pagmamay-ari ng baril sa Quezon City,” aniya.