
LAGOS, Nigeria — Kalunos-lunos ang sinapit ng 21 atleta mula sa Kano State matapos mahulog sa tulay ang sinasakyang bus sa Kura Local Government Area, habang pauwi mula sa National Sports Festival sa Ogun State, sa timog-kanlurang bahagi ng Nigeria nitong Sabado, Mayo 31.
Ayon sa mga ulat, ang bus ng Kano State Sports Commission ay may sakay na 35 pasahero, karamihan ay mga atleta at opisyal, nang mawalan ng kontrol at bumaliktad mula sa tulay, ayon kay Umar Faggie, chairman ng state’s sports commission.
“Ang mga atleta ay lulan ng opisyal na bus ng Kano State Sports Commission nang mangyari ang aksidente,” pahayag ni Faggie sa panayam ng Anadolu sa telepono.
Dinala agad sa ospital ang mga nakaligtas para sa agarang medikal na atensyon.
Nagpahayag naman ng pakikiramay si dating Nigerian Vice President Atiku Abubakar, sa kanyang post sa X (dating Twitter), kung saan tinawag niya ang mga biktima bilang:
“Ang pinakamahuhusay sa ating bansa—dedikado, may talento, at puno ng pangarap.”
Ang National Sports Festival (NSF) ay isang malaking multi-sport event sa Nigeria, kung saan nagsasama-sama ang mga atleta mula sa iba’t ibang estado upang itaguyod ang pagkakaisa, kaunlaran sa palakasan, at husay. Kabilang sa mga tampok na laro ay athletics, football, basketball, at volleyball.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa sanhi ng aksidente, habang nababalot ng pagdadalamhati ang buong Kano State sa pagkamatay ng kanilang mga batang kinatawan sa palakasan.
More Stories
KOREAN SCAMMER NA MAY P400-M KASONG FRAUD, NASUKOL NG BI
39 foreign workers sa Telco sa BGC, naaresto ng Bureau of Immigration
Tulak, tiklo sa Malabon drug bust