November 24, 2024

208 gumaling, 1 patay, 12 nagpositibo sa COVID-19 sa Navotas

PATAY ang isa sa 12 nagpositibo sa COVID-19 sa lungsod ng Navotas kahapon, Agosto 17, habang 208 ang gumaling ayon kay Mayor Toby Tiangco. 

“Masayang-masaya po tayo na may 208 Navoteño na gumaling mula sa COVID-19 at nakauwi na po sila sa kanilang mga tahanan. Subalit, 12 ang nagpositibo at isa sa kanila ang binawian na ng buhay,” anang alkalde.

Hanggang 8:30 pm kahapon ay 3,810 na ang nagpopositibo sa nasabing sakit sa lungsod.  1,100 dito ang active cases habang 2,600 ang gumaling na at 110 na ang namamamatay.

Samantala, hanggang 5 pm kahapon ay 2,116 na ang nahuhuling modified enhanced community quarantine (MECQ) violators. 

Sa bilang na ito, 1,756 sa mga ito ang walang suot o mali ang pagkakasuot ng face mask, 123 ang lumabag sa curfew at 237 ang hindi sumunod sa physical distancing

Ayon kay Tiangco, sa  survey ng Social Weather Stations, nakasaad na 45.5% ang adult joblessness rate sa ating bansa nitong Hulyo.

Aniya, ito ang pinakamataas na adult joblessness rate sa Pilipinas sa loob ng halos 30 taon, at maraming mga kumpanya na matagal na sa negosyo ang nagsara ngayon dahil wala nang kita.

“COVID-19 ang dahilan ng ating paghihirap kaya dapat masolusyunan natin ito. Mas mabilis nating masosolusyonan ang COVID-19, mas mabilis ang simula ng pagbangon ng ating ekonomiya,” anang punong-lungsod.

Dagdag pa niya, hindi lang gobyerno ang may tungkulin sa laban na ito kundi bawat isa sa atin ay may personal na responsibilidad para matapos na ang pandemya. “Gawin ang itinakdang safety measures para maiwasang mahawaan at manatiling ligtas mula sa sakit. Huwag manghawa, huwag magpahawa,” pagtatapos ni Tiangco.