Bago ang lahat mga Cabalen, nais kong batiin at ipaabot ang aking pagpupugay sa ating bagong Presidente Bongbong Marcos Jr. Congratulations po Apo!
Gabayan ka nawa ng Panginoon sa buong anim na taon ng iyong pag-upo bilang ama ng bansang ito. Maisakatuparan mo nawa ang lahat ng iyong ipinangakong pagbabago para sa Pilipinas.
oOo
Tapos na ang eleksiyon, may nanalo na move-on na tayo mga Cabalen. Ilang araw na po ang nakaraan nang mag-eleksiyon. Nagproklama na ang COMELEC sa mga nanalo. Sana naman mga Cabalen, tanggapin na natin ito ng maluwag sa ating kalooban.
Huwag na tayong magsintir, nang sa gayon ay makabalik na tayo sa normal na buhay. Ang siste, hindi pa nga nakakaupo ang nahalal na pangulo may nagpoprotesta na. Papaano maaayos ang buhay nating mga Pilipino?
Wala na tayong ginawa kundi ang kontrahin ang nakaupo. Hayaan sana natin siyang patunayan ang kanyang sarili at bigyan ng pagkakataon na maipakita niya na kaya niyang pabangunin ang naghihikahos na mga kababayan natin.
Dapat nating isipin na kung hindi magkakaisa ay patuloy tayong malulugmok sa kahirapan, Maraming problema ang minamana ng bawat presidenteng mauupo kaya nararapat na bigyan ng pagkakataon.
Sa aking palagay mga Cabalen, mayorya sa mga botante natin ay marunong nang mamili ng kanilang kandidatong nais maupo. Kaya tama na ang sisihan. Magsimula na tayong linisin ang bahid ng nakaraan tungo sa pag-unlad ng bawat Pinoy.
oOo
Ang mga pulitikong nangampanya, nagbayad ng mga taga-dikit at taga-sabit ng kanilang mga posters, sana naman magbayad din kayo ng mga taga-tanggal at taga-linis ng inyong mga kalat! Huwag sana ninyong iasa ang paglilinis ng inyong kalat sa iba.
Gawi kasi ng iba na pabayaan ang basura na kanilang ikinalat sa panahon ng pangangampanya. Wala na silang pakialam kung ano man ang kanilang iniwang kalat. Kung tuwang-tuwa kayong mga nanalo, sana natutuwa din kayong maglinis.
More Stories
MAYOR HONEY LACUNA AT VM YUL SERVO KAHANGA-HANGA ANG TANDEM
Huling Tula ng Pambansang Bayani
Paggunita sa Kaarawan ni Emilio Jacinto, Matagumpay!