December 19, 2024

200 PAMILYA PINALALAYAS NG AUTHORITY OF FREEPORT AREA OF BATAAN

Pinapalayas ng Authority of Freeport Area of Bataan (AFAB) ang mga residente ng Narra Dormitory sa Barangay Maligaya.

Ayon sa nakalap na ulat, pinuntahan ng AFAB kasama ang hindi bababa sa 90 pinagsamang pulis, opisyal ng barangay at AFAB Police ang Narra Dormitory.

Nagulantang ang mga residente sa naturang pangyayari.

Ayon kay Jaime Azores, dating bise-presidente ng Narra Lodgers Association, “Sapilitan kaming pinapirma sa isang waiver na nagsasabing sumasang-ayon na kami ay aalis na sa lugar. Nagbanta rin [ang AFAB] na kapag kami ay hindi pipirma sa waiver na kanilang pinanotaryohan ay puputulan kami ng kuryente at papalayasin na kaagad.”

Pinabayaran umano ng P200 ang waiver na kanilang pinirmahan. Nakasaad din sa waiver na bilang “konsiderasyon” bibigyan na lang umano sila ng palugit hanggang Enero 6, 2024 para mag-empake ng kanilang mga kagamitan at humanap ng ibang malilipatan.

“Sa takot namin, pumirma na ang karamihan kahit pa labag ito sa aming kalooban. Ikaw ba naman ang kuyugin ng AFAB Police? Anong mararamdaman mo? Walang merry sa aming christmas. “, dagdag pa ni Azores.

Ang mga residente sa Narra Dormitory ay deka-dekada nang naninirahan sa lugar. Kada kwarto, nagrerenta sila ng P320 kada buwan. Itinayo ang dormitoryo noong panahon ni Marcos Sr. palara bigyan ng abot-kayang pabahay ang mga manggagawa sa Bataan Export Processing Zone (BEPZ) ngayo’y FAB.

“44 years na akong nakatira rito at karamihan sa amin ay dito na nagkaroon ng pamilya at mga apo. Tapos papalayasin kami? Dadalhin kami dun sa Alas-asin, pababayaran sa amin ng P1000 sa pinakamababa ang renta, malayo pa sa aming trabaho.”, pagdidiin ni Azores.

Samantala, kinukundena naman ng Nagkakaisang Manggagawa ng FAB ang naturang pangyayari.

Anila,”Hindi makatarungan ang ginagawang sapilitang pagpapalayas sa humigit-kumulang 200 pamilya ng Narra Dormitory. Ang pangyayaring ito ay isang paglabag sa kanilang karapatang mamuhay ng disente at payapa. Maraming maaapektuhan sa pangyayaring ito hindi lang ang mga manggagawa na nagtitiis sa kakarampot na kita maging ang mga kabataan na nag-aaral sa eskwelahan.”

Nais ding ipabatid ng buong Narra Dormitory ang kanilang panawagan sa mga mamamayan ng Mariveles at buong Bataan ang kanilang sitwasyon.

“Ito po ang sitwasyon namin sa Narra [Dorm]. Inilapit na namin ito kay Gov. Garcia, kay Mayor AJ Concepcion hanggang Malacañang pero wala silang aksyon. Ipinananawagan po namin sa lahat ng Mariveleño na suportahan kami. Ayaw naming umalis pero itinataboy nila kami na parang hayop at taning ng aming kamatayan.”, pagtatapos ni Azores. (NAGKAISANG MANGGAGAWA NG FAB)