January 23, 2025

200 inmates ng NBP, pagtatanimin ng palay at gulay sa Leyte

Bumiyahe na patungong Leyte ang dalawang daang  (200) napipiit o persons deprived of liberty (PDLs) patungong Leyte Regional Prison (LRP) sa Abuyog, Leyte.

Ang pagtungo ng 200 PDLs sa LRP ay bahagi ng programa ng Bureau of Corrections o BuCor na pagpapaluwag  (decongestion) ng New Bilibid Prisons (NBP).

Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr, ang mga PDL ay ineskortan ng corrections officers at PNP  SWAT team kasama ang escort personnel mula sa iba’t ibang NBP offices.

Sinabi ni Catapang na ang mga nasabing PDL ay magpapalakas sa manpower ng LRP upang paliwigin ang Green Revolution program ng kawanihan, partikular ang pagtatanim ng palay at mga gulay bílang suporta sa food security program ng gobyerno.

Sa ilalim ng “Bagong Bucor sa Bagong Pilipinas”,  nakiki-pagpartner aniya ang kawanihan sa mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Agriculture at  Philippine Economic Zone Authority  upang mapakinabangan ang mga nakatiwangwang na lupain ng BuCor at i-empleyo ang mga PDL sa agricultural business ventures ng ahensiya.

Dinagdag din ni Catapang na nakalatag na ang modernization program ng BuCor at kanyang tintiyak na para ito sa ikabubuti ng mga inmate.

“We have laid down the foundation for the modernization of BuCor and we will see to it that  this endeavor will result for the betterment of PDLs and the BuCor as a whole  to be relevant, sustainable and respected,” paliwanag ng Corrections chief.