November 21, 2024

20 DEATH TOLL SA BICOL DAHIL KAY BAGYONG KRISTINE

MABILIS na kumilos ang mga rescuer para sagipin ang mga residenteng naipit sa baha matapos ang walang tigil na pagbuhos na ulan dulot ng Severe Tropical Storm Kristine na kumitil sa buhay ng 20 katao sa Bicol region.

“Nitong alas-7:00 ng umaga, ay umabot na sa 20 ang patay (sa buong Bicol region),” ayon kay regional police chief Brigadier General Andre Dizon, dagdag pa nito hindi pa pinal ang naturang bilang.

“Karamihan sa kanila ay nalunod o nalibing sa landslides.”

Sa isang panayam sa Super Radyo dzBB, sinabi ni Dizon, pito sa mga nasawi ay mula sa Naga, lima sa Catanduanes, apat sa Albay, at tig-iisa sa Camarines Norte, Camarines Sur, Sorsogon at Masbate – na nasa Bicol region.

Sa Naga city at bayan ng Nabia, gumamit ang mga rescuer ng bangka para tulungan ang mga residente na nasa kanilang rooftops habang naghihintay ng sasaklolo sa kanil dahil sa lampas-tao na baha.

“Naghihingi sila ng tulong sa pamamagitan ng Facebook post kaya narespondehan namin sila,” ayon kay Bicol police spokeswoman Luisa Calubaquib.

Nag-deploy ang Philippine National Police (PNP) ng 908 pulis sa Bicol upang magbigay ng assistance sa mga kababayan nating biktima ng masungit na panahon.