January 23, 2025

2 TULAK TIMBOG SA P340K SHABU

Arestado ng mga operatiba ng Caloocan Police SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo sina Alcar Dugay, 20 at Joon Job Payumo, 18, sa buy-bust operation sa Heroes Del, Brgy. 73, Caloocan City. Nakuha sa kanila ang nasa tinatayang P340,000 halaga ng hinihinalang shabu, digital weighing scale at buy-bust money. (RIC ROLDAN)

TIMBOG ang dalawang tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng nasa P340,000 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan City Police Chief Col. Dario Menor ang naarestong mga suspek na si Alcar Dugay, 20 ng Gonzales St. Brgy. 69 at Joon Job Payumo, 18 ng Masagana St. Brgy. 73.

Sa report ni Col. Menor kay Northern Police District (NPD) P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan, bandang ala-1 ng madaling araw nang isagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Capt. Deo Cabildo ang buy-bust operation kontra sa mga suspek sa Heroes Del, Brgy. 73.

Nagawang makabili ni PCpl Rommel Toribio na umaktong poseur-buyer sa mga suspek ng P10,000 halaga ng shabu.

Nang tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa pulis ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto ang dalawa.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 50 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P340,000 ang halaga, digital weighing scale at isang P1,000 bill na nakabungkos sa 9 pcs P1,000 fake/boodle bills na ginamit bilang buy-bust money.

Ayon kay P/Capt. Cabildo, si Dugay ay nasa watch listed na kabilang sa dating Priority Drug Personalities ng Caloocan Police kung saan naaresto na ito dahil sa illegal na droga noong April 4, 2020 subalit, nakalaya kamakailan matapos makapagpiyansa.