December 24, 2024

2 ‘tulak’ timbog sa P210K droga sa Caloocan

BAGSAK sa selda ang dalawang drug suspects, kabilang ang 62-anyos na lola matapos makuhanan ng mahigit P.2 milyong halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas “Emey’, 62 ng Morong Rizal at alyas “Saya”, 20 ng Malabon City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nagsagawa ang mga operatiba Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy bust operation sa Tangke Road, Brgy. 157 kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P6,500 halaga ng droga.

Nang tanggapin ng mga suspek ang isang P500 bill marked money na may kasamang anim na P6,000 boodle money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad silang dinakip ng mga operatiba dakong alas-10:08 ng gabi.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 31grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P210,800.00, buy bust money at itim na coin purse.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.