November 24, 2024

2 TULAK TIMBOG SA P2.4 MILYON MARIJUANA SA NAVOTAS


Arestado ang dalawang hinihinalang drug pushers matapos makuhanan ng nasa P2.4 milyon halaga ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang naarestong mga suspek na sina Ali James Erese alyas “Ali”, 20 ng 99 4E Hermosa St., Brgy. 200, Manila at Joseph Raven Cotejo, 22 ng Wawa 3 Salinas Rosario Cavite.

Dakong alas-9:20 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng buy-bust operation sa Sitio Sto Nino Brgy. NBBS Proper kung saan isang undercover police ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng P14,000 halaga ng droga.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng isang malaking brick ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana ay agad silang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t-kumulang sa 20 kilo’s ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may Corresponding standard drug price (SDP) P2,400,000.00, buy-bust money na dalawang tunay na P1,000 bills at 12 pirasong P1,000 boodle money, plastic bag, duffle bag, north face hiking bag at cellphone.

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.