December 24, 2024

2 ‘tulak’ tiklo sa halos P200K droga sa Valenzuela

SHOOT sa selda ang dalawang drug suspects matapos makuhanan ng halos P.2 milyong halaga ng droga nang matimbog ng pulisya sa isinagawang buy bust operation sa Valenzuela City, Martes ng madaling araw.

Kinilala ni Valenzuela police chief P/Col. Salvador Destura Jr. ang mga naarestong suspek na sina alyas Nelson, 54 ng Coloong 2, at alyas Peter, 34, Technical Crew at residente ng Fellow 1 Subd., Rincon.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Destura na ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela police sa pangunguna ni PEMS Restie Mables sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Cpt. Ronald Sanchez ang buy bust operation laban kay ‘Nelson’ matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng ilegal na droga.

Nang tanggapin ni ‘Nelson’ ang isang P500 bill marked money na may kasamang apat pirasong P1,000 boodle money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong ala-1:50 ng madaling araw sa tapat ng kanyang bahay, kasama si ‘Peter’.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 27 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P183,600.00, buy bust money, P150 recovered money, dalawang cellphone at isang motorsiklo. Kasong paglabag sa Sections 5, 11 at 26 under Article 2 of R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang isasampa ng pulisya laban sa mga suspek sa Valenzuela City Prosecutors Office.