November 24, 2024

2 tulak kulong sa P108K shabu sa Malabon

Dalawang tulak umano ng illegal na droga kabilang ang isang High Value Individual Regional Level ang arestado matapos makumpiskahan ng higit sa P.1 milyon halaga ng shabu sa buy bust operation ng pulisya sa Malabon City.

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albert Barot ang naarestong mga suspek na si Richard Segovia alyas “Poyong”, 44, (Pusher/ High Value Individual Regional Level) ng Bignay St. Brgy. Potrero at Ronald Arciaga, 36, tricycle driver ng Sito 6, Brgy. Catmon.

Ayon kay Col. Barot, nakatanggap ng impormasyon mula sa kanilang Regular Confidential Informat (RCI) ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa pagbebenta ng illegal na droga ni Segovia sa naturang lugar at kalapit na mga barangay.

Matapos ang isang linggong verification, nakumpirma na tama ang ulat kaya’t agad nagsagawa ang mga operatiba ng SDEU ng buy bust operation sa pangunguna ni  PLT Amadeo Tayag Jr, sa Industrial Road, Brgy. Potrero dakong alas-10 ng gabi kung saan isang pulis na nagpanggap na buyer ang nagawang makaiskor sa mga suspek ng P500 halaga ng shabu.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng droga ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba. Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 16 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P108,800 ang halaga at buy bust money.