December 25, 2024

2 tulak huli sa higit P400K droga sa Caloocan

TIMBOG ang dalawang hinihinalang tulak ng illegal na droga, kabilang ang isang menor-de-edad na lalaki matapos makuhanan ng mahigit P.4 milyong halaga ng shabu sa isinawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong suspek na si alyas “Niño”, 30 at ang na-rescue na isang menor-de-edad na lalaki.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na nakatanggap ng impormasyon ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni Niño kaya isinailalim nila ito sa validation.

Nang makumpirma na positibo ang ulat, kaagad ikinasa ng SDEU sa pangunguna ni P/Cpt. Emmanuel Aldana ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek matapos bintahan ng P6,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa 2nd St., BMBA Brgy., 118, dakong  alas-12:03 ng madaling araw.  

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 61 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P414,800.00 at buy bust money na isang P500 bill, kasama  ang 6-pirasong P1,000 boodle money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.