November 24, 2024

2 tulak arestado sa P326K shabu

Mahigit sa P.3 milyon halaga ng shabu ang nasamsam ng pulisya mula sa dalawang hinihinalang drug pushers matapos masakote sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas city, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Rolando Balasabas ang mga naarestong suspek na si Danilo Mangali, 53 ng 67 A. Roque St. Brgy. Tonsuya at Ramon Gilbuena, 51 ng 490 Carnation St. Brgy, NBBS Proper.

Ayon kay Col. Balasabas, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng mga suspek kaya’t isinailalim ang mga ito sa monitoring at surveillance operation.

Dakong 12:45 ng madaling araw nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni PLT Genere Sanchez sa R-10, Brgy. NBBS kung saan isang undercover police na nagpanggap na buyer ang nagawang makabili sa mga suspek ng P300 halaga ng shabu.

Matapos matanggap ang signal mula sa poseur-buyer na nagkaabutan na ng marked money at droga, agad sumugod ang back up na mga operatiba saka sinunggaban ang mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang aabot sa 48 gramo ng shabu na may standard drug price P326,400.00 ang halaga at buy-bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.