January 21, 2025

2 tulak arestado sa P136K shabu sa Caloocan

KULONG ang dalawang tulak ng ilegal na droga, kabilang ang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta ang naarestong mga suspek na sina alyas “Kalbo”, 41, (HVI) ng Brgy., 8, at alyas “Bet”, 42, ng Brgy., 73, kapwa ng lungsod.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Lacuesta na dakong alas-5:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Emmanuel Aldana ng buy bust operation matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa ilegal drug activities ni alyas Kalbo.

Kaagad sinunggaban ng mga operatiba ang mga suspek matapos magsabwatan na bintahan ng P8,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Julian Felipe St., Brgy., 8.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 20 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P136,000, at buy bust money na isang tunay na P500 bill at 8-pirasong P1,000 boodle money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 of Article II of R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002).