AABOT mahigit P120K halaga ng marijuana ang nasabat ng pulisya sa dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga matapos maaresto sa isinagawang buy bust operation sa Caloocan City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) OIC Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles ang naarestong mga suspek na si alyas “Lubay”, 24, at alyas “Jen”, 25, kapwa residente ng Bulacan.
Ayon kay Col. Doles, dakong ala-1:25 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa Sampaguita Street, Libis Camarin Barangay 175, matapos umanong bintahan ng marijuana ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Ani P/Lt. Restie Mables na nanguna sa operation, nakumpiska nila sa mga suspek ang 1001 grams ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P120,120.00, buy bust money na isang P500 bill at 12 pirasong P1,000 boodle money at isang motorsiklo na gamit nila.
Sinabi ni Lt. Mables na bago ang pagkakaaresto sa mga suspek, nakatanggap na sila ng impormasyon hinggil sa umano’y sa pagbebenta ng mga suspek ng marijuana kaya ikinasa nila ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanila.
Pansamantalang nakapiit ang mga suspek sa Caloocan Police SDEU at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA