November 3, 2024

2 tulak arestado sa P1.4 milyon shabu sa Navotas

REHAS na bakal ang kinasadlakan ng dalawang umano’y tulak ng illegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P1.4 milyong halaga ng shabu nang masakote sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes ang naaresto mga suspek na sina alyas “Tere”, 41, biyuda, (pusher/listed) at alyas “Mark”, 18, kapwa residente ng Saint Joseph, Rich Field Subdivision, Santa Rosa Laguna.

Sa ulat ni Col. Cortes kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, dakong alas-9:56 ng gabi nang maaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unity (SDEU) sa pangunguna ni P/Cpt. Genere Sanchez ang mga suspek sa Matang Baka St., Brgy. NBBS Dagat-Dagatan matapos bintahan ng P22,000 halaga ng droga ang isang pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 220 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,496,000.00, buy bust money na isang tunay na P1,000, kasama ang 21-pirasong boodle money, bag at isang timbangan.

Sinabi ni Cpt. Sanchez na unang nakatanggap sila ng impormasyon mula sa isang regular confidential informant (RCI) hinggil sa ilegal drug activities ng mga suspek kaya isinailalim nila ang mga ito sa validation at nang magpositibo ang ulat ay agad nilang ikinasa ang buy bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.

Ayon kay PSSg Flosine-Mar Nebre, mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (JUVY LUCERO)