December 25, 2024

2 TODAS, 1 KRITIKAL SA MAGKAHIWALAY NA PAMAMARIL SA BATANGAS

CAMP GENERAL MIGUEL MALVAR, BATANGAS – Patay ang dalawang biktima habang malubha naman ngayon ang isa pa sa magkakahiwalay na shooting incident sa probinsya ng Batangas nitong araw ng Miyerkoles.

Ayon sa ulat na ipinadala ng Batangas  Provincial Police Office (BPPO) sa Calabarzon Regional Police Office(PRO4A), agad binawian ng buhay ang negosyanteng biktima na si Hydie Bathan, dakong alas-6:45 ng gabi sa loob ng kaniyang tindahan sa Brgy. San Carlos ng Lipa City, nang barilin sa ulo ng hindi pa kilalang gunman na mabilis tumakas dala ang ‘di pa tukoy na kalibre ng baril.

Dead on arrival (DOA) naman sa Apacible Memorial Hospital sa bayan ng Nasugbu si Barangay Councilor Buenventura Caraig, bandang 8:30 ng umaga sa Brgy. Binubusan ng Lian, Batangas ng pagbabarilin sa likod na bahagi ng riding-in-tandem na nakasakay sa hindi naplakahan na motorsiklo. Narekober sa lugar ng crime scene ang apat na piraso ng mga basyo ng bala ng kalibre 45 na baril at inaalam na rin ng mga otoridad ang posibleng motibo sa pamamaslang sa biktima.

Ginagamot naman ngayon sa Lipa City District Hospital ang biktimang si Eduardo Mendoza matapos na magtamo ng mga sugat sa kaliwa at kanan na mga binti nang paulanan ng bala ng mga hindi pa kilalang suspek dakong 6:40 ng umaga habang nagmamaneho ng isang dump truck na may plakang NAB 8147 sa kahabaan ng Brgy. Antipolo DelSur ng Lipa City, kasama ang kaniyang anak na lalake na si Rey Anne Mendoza na masuwerteng hindi nasugatan. Wala pang maibigay na detalye ang biktima kung bakit siya pinagbabaril.

Naglatag na ngayon ng follow up operation ang mga otoridad para madakip ang mga posibleng suspek sa krimen. (KOI HIPOLITO)