ARESTADO ang isang tulak ng illegal na droga, kasama ang kanyang parukyano sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang naarestong mga suspek na sina alyas “Jayz”, 21, at alyas “Bukol”, 42, kapwa residente ng Caloocan City.
Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Col. Baybayan na dakong alas-11:30 ng gabi nang ikasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang buy bust operation kontra kay Jayz sa Dr. Lascano St., Brgy. Tugatog matapos ang natanggap na impormasyon na nagbebenta ito ng shabu.
Nagawang makipagtransaksyon ng isang pulis na nagpanggap na buyer kay Jayz ng P500 halaga ng droga at nang tanggapin niya ang marked money mula sa pulis kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba, kasama ang kanya umanong parukyano na si Bukol.
Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 22.26 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P153,680.00, buy bust money at coin purse.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
More Stories
Para sa kabataan, Sexuality Education suportado ng DepEd
Cotabato City mayor, 4 iba pa, kinasuhan ng pandarambong
P10.5-M ALAHAS, GADGETS AT PERA NILIMAS NG MGA NAGPANGGAP NA GOV’T EMPLOYEE SA LAGUNA