January 11, 2025

2 teenagers na tulak arestado sa P714K shabu sa Caloocan

DALAWANG teenagers na listed bilang High-Value Individuals (HVI) drug pushers ang arestado matapos makuhanan ng mahigit P.7 milyon halaga ng shabu nang maaresto sa isinagawang buy bust opetation ng pulisya sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni PLt Col. Renato Castillo, hepe ng District Drug Enforcement Unit ng Northern Police District (DDEU-NPD) ang naarestong mga suspek bilang si Farok Carnabal alyas “Amo”, 18 at Akim Basher alyas “Polpol”, 18, kapwa residente ng Brgy. 188 ng lungsod.

Sa report ni Castillo kay NPD District Director PBGEN Ponce Rogelio Peñones Jr, dakong alas-2:05 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU, kasama ang Tala Sub-Station 14 ng Caloocan police ng buy bust operation sa Blk. 54, Lot 16, Phase 12 Tala, Barangay 188, Caloocan City matapos ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ng illegal na droga ng mga suspek.

Nagawang makipagtransaksyon ng isang undercover police sa mga suspek ng P7,500 halaga ng shabu at nang tanggapin ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit umano’y shabu ay agad sinunggaban ng mga operatiba si Carnabal at Basher.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 105 grams ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price P714,000.00; buy bust money na isang tunay na P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money at asul na pouch.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JUVY LUCERO)