
PATULOY na tinutugis ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station (CCPS) ng Northern Police District (NPD) ang mga suspek sa karumal-dumal na pagpatay sa isang transgender sa Barangay 176, Bagong Silang.
Sa report ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals kay NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ang mga suspek na sina alyas “Jellou,” 24, tattoo artist, at alyas “Kulot”.
Sa ulat, ala-1:30 ng hapon, noong February 21, 2025, nang madiskubre ang karumal-dumal na insidente ng pagpatay sa 37-anyos na lalaki sa loob ng isang bahay nang pumasok si alyas “Ailyn,”, 45, barangay utility worker, sa inuupahang apartment kaya agad niya itong ipinaalam sa SS12, CCPS.
Lumabas sa pagsusuri ng mga tauhan ng forensic examiners ng Northern Police District Forensic Unit (NPDFU) na nagtamo ng isang saksak sa likod ang biktima, malalalim na sugat sa kanyang leeg, at pinutol ang magkabilang paa, na inilagay sa loob ng asul na cooler.
Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy ng pulisya ang mga suspek kung saan ayon sa saksi, huling nakitang buhay ang biktima noong Pebrero 18, 2025, na umalis upang makipagkita sa isang tao ngunit hindi na nakabalik.
Sinabi pa ng saksi na matapos madiskubre ang bangkay, nakipag-ugnayan siya kay alyas “Otching” na umaming nakasaksi sa insidente at itinuro nito si alyas Jellou na responsable sa pagpatay at ipinagtapat pa niya sa kanyang ina na nakita niyang pinuputol ni ‘Jellou’ ang mga binti ng biktima ngunit hindi ito nakialam dahil sa takot.
Dahil dito, pormal ng sinampahan ng pulisya ng kasong Murder sina ‘Jellou’ at ‘Kulot’ sa Caloocan City Prosecutor’s Office habang sumuko si ‘Otching’ at nakikipagtulungan sa mga awtoridad.
Tiniyak ni Col. Ligan sa publiko na ang NPD ay ganap na nakatuon sa pagbibigay ng hustisya sa karumal-dumal na krimen na ito.
Nananawagan naman ang Caloocan police sa sinumang may impormasyon hinggil sa kinaroroonan ng mga suspek na makipag-ugnayan lang sa CCPS o sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya.
More Stories
KAMARA NAGLABAS NG VIDEO KUNG BAKIT NA-IMPEACH SI VP SARA
8 patay sa sunog sa Quezon City
14-ANYOS NA ESTUDYANTENG TSINOY DINUKOT, PINUTULAN NG DALIRI (Kidnappers pinatutugis ni PBBM)