April 18, 2025

2 suspek na tulak nalambat

TIMBOG ang dalawang tulak ng ilegal na droga matapos makuhanan ng mahigit P.1 milyong halaga ng shabu sa magkahiwalay na buy bust operation sa Malabon at Navotas Cities.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU)  ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon hinggil sa pagbebenta ng shabu ni alyas “Balbon”, 48, ng Brgy. 8, Caloocan City.

Dakong ala-1:20 ng madaling araw nang dambahin ng mga operatiba ng SDEU ang suspek sa P. Aquino St., Brgy. Tonsuya matapos bintahan tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 11.2 grams ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P76,160.00 at buy bust money.

Sa Navotas, laglag sa mga tauhan ni Navotas police chief P/Col. Mario Cortes si alyas “Oniel”, 25, ng lungsod matapos madakma ng mga operatiba ng SDEU sa buy bust operation sa Los Martirez St., Brgy. San Jose dakong alas-12:21 ng hating gabi.

Nasamsam sa suspek ang nasa 5.02 grams ng umano’y shabu na may standard drug price value na P34,136.00 at buy bust money. Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.